Unang Linggo
June 14, 2008Tapos na ‘yung unang linggo ko sa ikatlong taon at sa bagong kurso. Hindi ko alam kung dapat ako maging masaya, dahil nagsimula ang linggo ko na masama, pero nagtapos naman ito ng medyo kaaya-aya.
Hirap ako sa pag-enroll. Ang dami kong inasikaso, at natanga pa ako. Kakagaling ko lang kasi sa bulutong noon. At tinatantya-tantya ko pa ‘yung sarili ko. Nakakainis kasi hindi naaprubahan ‘yung scholarship na dapat ay nakapagpababa ng malaki sa tuition ko. Oo, iskolar kami ng bayan at mababa na talaga ang binabayaran ko sapagkat hindi naman ako inabot ng tuition fee increase, pero nakapanghihinayang pa rin ‘yung sana’y ikakaltas. Hindi naaprubahan ang scholarship ko dahil nagkaroon ng bagong requirement, ‘yung true copy of grades ko. Ang kaso, hindi naglalabas nito ‘yung college namin habang registration period. Anak ng tipaklong. Nakipagdebate pa ako sa isa sa mga nag-aassess ng scholarship sa registrar. Ayaw n’ya pakinggan ‘yung paliwanag ko. Ang sinabi lang niya, bayaran ko na lang muna ng buo, at saka ko na lang iparefund. Wala akong nagawa.
Ang totoo, sinisisi ko ‘yung sarili ko dahil ko agad inalam na may bagong requirement sa scholarship ko. Ikalawa, nahihiya ako sa ate ko, na siyang nagbibigay ng pangtuition ko, at sa tatay ko, na s’yang dahilan kung bakit may scholarship ako. Nakapanghihinayang ng sobra at nakakaasar dahil wala ako nagawa. Sana lang marefund ko, sana lang talaga.
Ayos naman ‘yung mga propesor ko. Alam ko hindi magandang pang-uri ‘yung salitang "ayos," pero ‘yun ang gusto kong gamitin para mediocre, dahil ko pa naman talaga sila nababasa at nakikilala ng buo.
Sa tingin ko, cool ‘yung prof ko sa Math. Oo, nasa Malikhaing Pagsulat na ako, pero may Math subject pa rin ako (hindi lang ‘yun, may Chemistry pa nga!). Kasama pa rin kasi iyon sa RGEP program ng UP, na mariing tinututulan ng marami sapagkat nakakahon at nalilimitahan ang mga estudyante. Sila na kasi ang nagtatakda sa kung ilang units ang dapat kuhanin sa isang bahaging akademiko tulad ng Filipino, Math, Sciences, at iba pa. Pero ayoko rito ilagay ang pagiging anti-RGEP ko, kahit na sinabi ko na ito, basta ang ramdam ko, cool ang Math prof ko. Kahit na sinasabi niya na may bumabagsak pa rin naman daw sa klase n’ya, maaliwalas naman ang pagtuturo niya, paminsan nagpapatawa, at may pagkahumble sa kaniyang pagtuturo kahit na matanda na siya. Hindi tulad ng ibang propesor na mayabang, na nagiging sagabal pa nga minsan sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Gaya ng sabi ko sa itaas, may Chemistry rin ako. Mukhang mabait din naman ‘yung propesora ko, hindi ko nga lang siya halos marinig magsalita. Sa likod kasi ako nakaupo, at halos auditorium size ang silid namin upang makapasok ang 80 ko pang mga kaklase. Ang hina niya magsalita, mahinhin siya, o baka pahinhin lang magturo. May pagkukumbaba rin sa pagtuturo niya, kaya sana naman ay hindi na ako pahirapan sa pagpasa at pagkuha ng inaasam na grado.
‘Yung isa kong klase, Art Studies. Wala akong masabing negatibo at wala rin naman ako masabing positibo. Bago ‘yung prof namin, unang semestre niya magturo, kaya may mga awkward silence paminsan habang naglelecture siya (iyon ‘yung mga pagkakataong nakalimutan niya ang dapat sabihin). Pero mukhang okey din naman siya, sana lang, dahil bata pa, hindi siya magpower trip. At di siya maadik sa bagong taglay na kapangyarihan. Sana hindi magpakadiyos, o ika nga sa Ingles na paborito kong kataga, playing god.
Ang iba ko pang klase, sa tingin ko, magugustuhan ko naman. Filipino 10.1 (pag-aaral ng Kapampangan), Filipino 50 (panimula yata sa panitikan, hindi ko sigurado) at Malikhaing Pagsulat 171 (pagsulat ng tula). Cool kasi ang mga propesor at isang propesora ko sa tatlong ito (ang totoo, lahat naman halos ng kaguruan sa departamento namin, DFPP, ay cool). Sikat na guro at manunulat ang mga ito. Sikat na manunulat, historyador, at mananaliksik ang propesor at propesora ko sa Filipino 10.1 at 50. Rockstar ang propesor ko sa MP 171, sabi sa haka-haka, dati siyang rhythm at bassist ng Juan de la Cruz band. Pero kilala talaga siyang manunulat, Palanca-award winning writer pa nga, at ang Makata ng Taon sa taong 2008. Relax at chill lang kami sa klase, kasama ang ibang mga batang manunulat, kahit na maraming kailangang basahin at isulat. Maging matrabaho man ang mga ito, pakiramdam ko ay magiging masaya pa rin naman ako. Gusto ko naman ang pagsulat at ang pag-aaral ng wika. Makatutulong ito ng habang naghahanap ako ng sarili sa pagsulat.
Sabik ako sa mga maaring mangyari ngayong semestre. Balak ko talaga ay magdoble ng sikap sa pag-aaral. Anumang mga nagawa kong kamalian sa naunang apat na semestre ko sa UP, gusto ko na ibaon, at ngayon ang unang semestre ng pagbabagong buhay. Sana lang maisagawa ko. ‘Yun ang paborito kong salita ngayon bukod sa "cool" — sana. Sana naman.
Walang pag-aalinlangang pagbati:
Maligayang isandaang kaarawan sa unibersidad kong mahal (sa Miyerkules, foundation day sa Diliman). Patuloy ka sanang maging anyong humuhubog sa kamalayan ng mga kabataan. Patuloy mo sanang itaguyod ang paglaban sa katotohanan sa kabila ng komersalisasyon na isinusulong ngayon ng mga nagpapalakad sa iyo. Patuloy ka sanang maging huwaran sa pagwasak at pagwaksi sa mga kahon ng lipunan. Mabuhay ka.
Dramaturgy sa Panulat
June 6, 2008May maganda akong naisip na topic, kagabi, na puwedeng magandang sanaysay, kuwento, o tula, habang nagbabasa-basa ako ng iba’t ibang blog sa net.
Noong unang semestre ng ikalawang taon ko sa UP, kumuha ako ng klase o kurso sa Anthropology. Mahusay naman ‘yung guro namin doon, kahit na terror siya, at kapag nagbigay ng puntos sa mga sanaysay namin ay 3 out of 75 points. Oo, ganoon siya kadamot magbigay, at hindi namin mahuli ang gusto niya. O basta ganun, terror siya na propesora pero napakarami naman niyang magagandang ideya na naibahagi at naituro sa amin. Isa iyon sa mga klase ko na marami akong natutunang bago, lalo na sa pagiging kritikal.
Isa na nga sa mga naituro niya sa amin iyong termino o perspektibo sa Sosyolohiya ni Erving Goffman na Dramaturgy. Sinasabi sa Dramaturgy ni Goffman na ang bawat kilos, ng tao (o ng aktor, aktor bilang termino sa Sosyolohiya ng lahat ng tao) ay pawang mga pagganap o performance. Dito, sinasabi na nakasalalay sa oras, lunan o lugar, at sa mga kapwa aktor sa paligid, ang performance o kilos ng isang ispesipikong tao; at ang pangunahing layunin ng taong ito ay ang pagtanggap ng mga kapwa aktor. Kung isang taong ito ay nagtagumpay, siya ay titingnan ng mga kapwa aktor, sa kung ano ang gusto niyang itingin sa kaniya
Tapos kagabi, habang nagbabasa nga ng ibang blogs, nabasa ko ang isang sikat na manunulat na nagsabing ang mga teksto ay parang mukha. Iyon ang pumitik sa isipan ko. Dito ko naisip na maaari rin ipasok (ang ideya ni Goffman) sa mga panulat. Maaari rin kasing ituring na pagganap o performance ang bawat panulat. Katulad ng ginagawa ko ngayon, ang lahat ay maaaring magsulat ng kung anuman, na maaaring tingnan na pagganap ng manunulat, na ang layunin, pangunahin man o hindi, ay ang pagtanggap ng mga mambabasa sa kaniya bilang manunulat.
Magandang ideya ito, at pag-aaralan ko itong mabuti. Ngayon pa lang, nakaiisip na ko ng magandang tula. Mahuhusay na titik na lamang ang kailangan ko, at sisimulan ko ito. Maganda ring sanaysay ito, kritikal at pormal na sanaysay, na titingin sa mga performance at pagganap ng mga manunulat. Maaari nga rin na kuwento, kung saan hindi lang ang mga karakter o tauhan ang gumaganap at nagpeperform, kundi maging ang manunulat, o ang nagsasalita at nagkukuwento.
Susubukan ko ito ipasok sa mga klase ko sa Malikhaing Pagsulat upang makakuha ng ideya, at maworkshop na rin ng ilang propesor at mga kamag-aral. Pag pumatok, saka ko lang malalaman na pasok ang mga pagganap ko, at swak din ang mga pagganap ko bilang manunulat. Mahabang pag-aaral pa ito.
Bakit "labasngkahon"?
June 4, 2008Pasakalye muna tayo.
Matagal ko na talagang planong iwanan ang lumang blog ko. Ngayon na lang din kasi ako nagkapanahon na gumawa ng bago, salamat na rin dahil nagkabulutong ako. Kaya salamat, maraming salamat sa nanghawa sa akin, binigyan mo ako ng motibasyon. Kung di dahil sa iyo, hindi ako sisipaging magtipa.
Pero heto na nga, at tama na ang palabok.
Bakit kamo "labasngkahon"?
Una sa lahat, matagal ko na rin gustong bumuo ng concept blog. ‘Yun bang blog na may isang konsepto lang na iniinugan. Pinilit ko iyon gawin sa luma kong blog, tinangka (na pilit na pilit) ko iyon palabasin bilang isang kunwariang palabas sa telebisyon, ako bilang ang direktor. Pero hindi ito pumasok ng husto, hindi naman kasi ako naging sensitibo sa mga isinusulat ko at di ko man lang inisip na ibagay ang mga ito sa konsepto ng blog ko.
Sa madaling salita, pagtupad sa pangarap ko na bumuo ng isang blog na may kongkretong konsepto itong "labasngkahon."
Pero bakit nga "labasngkahon"?
Wala lang. Gusto kong magsulat dito nang "labas sa kahon," kung ano man ang intindi mo roon. Ang totoo, iyon kasi ang talaga ang gusto kong estilo na kalalabasan ng aking pagsusulat. Gusto ko, ang mga naisusulat ko, kuwento, sanaysay, o tula man ay lumalabas sa kahon. Ang "kahon" bilang isteryotipo ng lipunan, ang mga pinaniniwalaang "tama," dahil lamang sa ito ay sinusunod ng nakararami.
Kaya dito sa blog na ito, gusto ko nang masanay iyon. Sapagkat ramdam kong ngayon pa lang, dapat pinoproblematisa ko na ang estilo ko sa pagsusulat at kung ano nga ba ang nais kong isulat. Dito ko iyon planong hasain, habang maaga pa.
Magandang simula rin ito kaalinsabay ng paglipat ko ng kurso sa Malikhaing Pagsulat.
Basta, pipilitin kong lumabas ng kahon. Dito ako magpapaka- o magfeefeeling kritikal.
Sa Simula, Dapat Magtapat
Gumawa ako ng bagong blog dahil sa simpleng dahilanang gusto ko ng bagong anyo. Kamakailan, at hindi pa ito alam maging ng aking mga kaibigan, napag-alaman ko na may kanser ako sa lapay o pancreatic cancer. Wala pa naman ito sa malalang yugto pero wala rin ito sa panimulang pag-usbong ng sakit. Pinag-aaralan pa ng mga doktor ko ang susunod kong hakbang, ngunit sa malamang, operasyon at chemotherapy rin ang susuungin ko. Pansamantala, upang magsilbing therapy sa akin at bilang pampalubag-loob na rin sa dinaranas ko ngayon, magsusulat ako rito sa bagong blog.
Salamat at inaasahan ko ang inyong suporta at panalangin.
Charing lang mga ser at mam!
Wala akong kanser ‘no. Ang totoo, may bulutong ako ngayon at matagal ko na talagang plano magpalit ng blog. Ang higit sa dalawang taong blog ko kasi na akoitosibote.blogspot.com ay maituturing ng matanda. Pakiramdam ko, hindi na ako ‘yung nagsulat noong mga lumang post ko doon, napakabata ko pa kasi nun, at kailangan na talaga ng pagbabago.
Dito sa bagong blog ko ilalagay, tulad ng dati, ang mga bagong pansariling sanaysay, mga piling tula, at baka maging ang mga dating naisulat ko na na trip ko pa ring isama bilang pampadami ng post.
O siya sige, antabayanan na lang.






