"I used to think that the years would go by in order, that you get older one year at a time... But it's not like that. It happens overnight." - Haruki Murakami, "Dance Dance Dance"

Home » Post Item » Paalam sa Ikalabing Pitong Taon

Paalam sa Ikalabing Pitong Taon

July 12, 2008

Noong isang linggo ko pa dapat naisulat ito. Isang linggo na rin namang tapos ‘yung okasyon. Pero dahil sa ilang personal na kadahilanan, hindi ko ito natipa, at ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon.

Labing pitong taon na. Ika-anim ng Hulyo noong Linggo, at labing pitong taon ka nang wala sa amin. Ang totoo, hindi ko alam kung ano ang sasabihin, dahil sa lagay ko, hindi naman talaga tayo nagkasama. Dalawang taon lang ako noon, kung tutuusin nga, wala kahit sa sulok ng mga ala-ala ko ang mga pinagsamahan nating dalawa, ‘yun ay kung meron man.

Nakakalungkot isipin ‘yun. Hindi kasi mawawala ‘yung pag-iisip na “ano kaya kung buhay ka at nakita akong lumaki?” at na “ano kaya ako ngayon? ganitong kurso at landas pa rin kaya ang tinatahak?” at iba pang “ano kaya” na mga katanungan. Sabi nga sa mga gasgas na linya, hindi na maibabalik ang nakalipas at ang lahat naman siguro ay may kadahilanan at rason.

Bata pa lang ako, sabi nila sa akin, gusto mo raw na maging doktor ako. Ikinalulungkot ko, pero hindi ko iyon natupad o matutupad. Kung buhay ka, hindi ko alam kung nalubog na ako sa mga maka-agham na pag-aaral. Siguro nagabayan mo ako para matupad iyong pangarap mo sa ‘kin. Pero di ko ‘yun nagawa mag-isa. Nakakahiya man sabihin, hindi ko natupad ‘yung mga habilin mo.

Gaya mo, gusto ko na lang magturo. Gusto kong maging propesor. Nasa linya man ako ng pagsulat at iba pang sining, naiisip ko rin ang sarili ko na nagtuturo. Gusto kong mabuhay habambuhay, kagaya mo, at sa pagtuturo ko iyon maaatim.

Nais ko lang malaman mo na hindi ka nalilimutan. At sa bawat hakbang na ginagawa ko ngayon sa buhay ko, inaalala kita. Maraming salamat sa iyo.

Heto ang lumang tula ko para sa iyo, irerepost ko lang dito:

 Opel*

Ang paggunita sa iyo,ay pagtingin
sa kalangitan ‘pag gabi.
Kahilera ng nangingbabaw
na buwan, isa kang bituwin –
minsa’y kumukurap,
kalimita’y nilalamon ng dilim.

Labing pitong taon na
buhat nang tinawag ka ng lupa.
Ang mga nakatukod
na larawan na lang,
sa ibabaw ng telebisyon ko
sa kuwarto
ang iilang iniwan mo sa akin.

Ngunit hindi sumusuot
sa isip ko ang salitang
limot.
Sapagkat sa mga ganitong
panahon, sa mga araw
na kuba ako sa bagabag,
nananangis ako sa ‘yo.

Sa mga ganitong panahon,
hiling ko’y nandito ka,
upang madama ko sana
ang init ng hanging mula
sa iyong bibig.
Na wari ko’y ikaw ay nasa aking tabi:
nais malamang nandiyan ka;
kailangang ko ng Ina,
hinahanap-hanap kita.

*Ofelia

Posted by labasngkahon at 12:08 pm | permalink

Add a comment