Pagbubulay-bulay
July 24, 2008Pasakalye:
Noong mga nakalipas na araw marami akong natuklasan. Sa sarili ko, sa mga taong nakaligid sa akin sa kasalukuyan, maging sa mundo na iniikutan ko ngayon. Ang iba nakagugulat, iba nakapanghihina, may iba rin namang wala lang, petiks lang, at kaswal lang. Kung magiging abstrakto man itong post ko na ito, pagpasensyahan n’yo na. Ayaw ko lang kasing maging ispesipiko at kongkreto sa kadahilanang baka may matapakan akong mga tao na tahimik namang tumatawid sa kani-kanilang mga buhay. Ayoko rin naman mang-away.
***
Nag-aaral ako ngayong magtimpi at magpigil. May mga pagkakataon kasi, personal na mga pangyayari, na nagiging sobra na akong madamot. Pinipilit kong matutuhan ang pagkontrol sa emosyon ko. Nakasisira na kasi ito. Ang totoo, nagreresearch pa nga ako ng maaari na therapy para rito. Oo, syet, seryosong bagay na para sa ‘kin ito. Kinakalawang na kasi ito ng relasyon ko sa ibang tao at unti-unting sinisira na rin nito ‘yung sarili ko
Simula ngayon, iniiwasan ko na mag-isip masyado. Ayoko na maging mapanghinala. Pinipilit kong itapon lahat ng insecurities ko at nagiging mas positibo na ako sa sarili ko. Ayoko na rin mangamba na maiiwan ako mag-isa. Ngayon, nagiging ganap na akong mapagtiwala. Isa rin sa mga payo sa akin na gumawa ng kung anumang maaaring gawin na kukunsumo ng aking oras (blogging, pagbasa ng libro). Gagawin ko rin iyon. Sana lang ay magbunga ‘yung mga pagbabagong pansarili na nais kong mapatupad. Nahihirapan na rin kasi ako. Sana umayos na ‘yung lahat, kahit ‘yung mga pansariling problema ko muna.
***
Ang pagiging manunulat (ayoko sanang gamitin dahil problematic lagyan ng label na manunulat ang kung sino man) ay ang pagiging tsismoso. ‘Yan ang sabi sa akin ng isa kong kaibigan na katulad ko, sumusuong din sa pag-aaral ng panitikan at paglinang nito. Magmula noong sinabi niya sa akin ‘to, naging madalas tuloy ang pagtsitsismisan namin, pero hindi lang s’ya, nagkaroon pa nga ako ng ibang katsismisan.
Madalas, patungkol sa mga katulad naming mag-aaral ang pinagbubulung-bulungan namin. Kadalasan, patungkol sa mga hindi tamang gawi. ‘Yung may showbiz factor talaga. May mga pag-uusap kami patungkol sa isang kabatch na galing sa isang sikat na pribadong unibersidad ang di-umano’y nanuhol para lang makatuloy sa kolehiyo, may tungkol sa isang prof na kilala naman talaga sa pagiging malapit nito sa mga piling babae sa kaniyang klase, at mayroon ding tungkol sa mga freshie sa unibersidad na nagpapakatibak dahil nahatak lang, at di naman alam ang mga ideolohiyang nakasampay sa pagiging aktibista. Ngayon ko naisip na kung di ako papalarin sa kurso, maaari ako magsulat sa segment ni Ogie Diaz sa Magandang Umaga Pilipinas, o pupuwede rin ako sa Bulgar, Abante, at Tiktik. Wala sanang magalit.
***
Mayroong isang kurso (o maikling kurso) sa unibersidad na hindi talaga ako sang-ayon sa pagpapalakad at kung paano pinipili ang mga natatanggap. Matagal ko na itong saloobin dahil sa nagmimistulang stepping stone ito at nawawala na ang “bokasyon” sa isip ng mga kumukuha o ‘yung pagkagusto nila sa kukuhaning kurso. Kumbaga, basta makapasok lang, bahala na.
Napaalala sa akin ‘yung pagkaayaw ko sa programang iyon dahil sa isang report sa klase. Hindi ko na sasabihin kung kasama ba ako sa nag-ulat. Basta ganito, may pag-uulat at pumayag ‘yung propesor namin na maaari namang sa net na lang kumuha dahil minimal lang naman ang kaniyang hinihingi. Ang mga pag-uulat ay mga bagay na internasyonal at pang-ibang bansa, kaya malamang, Inggles ‘yung mga makukuhang teksto.
E di ayun, ‘yung iba Inggles na nga lang ‘yung ginamit sa mga presentasyon pero sa Filipino nagpaliwanag. Pero may isang estudyante na pinilit lang basahin ‘yung mga nasaliksik niya sa wikang Inggles. Habang binabasa niya iyon, ‘dun muling pumasok sa akin ang pagiging malamya ng edukasyon sa Pilipinas. Hindi siya makabasa ng tuwirang Inggles gayong siya ay nasa kolehiyo na at sa UP pa nag-aaral. Hindi ko naman sinasabing kinakailangan talaga iyon, pero sana man lang ay kahit ang simpleng pagbasa sa wikang Inggles ay nagagawa ng sino mang mag-aaral ng unibersidad. Hindi niya iyon maggawa.
Hindi ko alam kung paano siya nakapasok sa unibersidad. Hindi ko alam kung paanong pagsasala iyong ginawa nila sa pagkuha nga sa nasabing programa (di ko ata nabanggit na nasa programa siya ng tinawag kong maikling kurso). Hindi ko alam kung paano siya nakatatagal at makatatagal. Hanggang sa ngayon, maraming tanong sa isip ko dahil sa narinig at nakita kong pangyayari. Sana sa mga susunod na araw, maliwanagan ako.
***
Bilang panghuli, magpapakachummy at magpapakagasgas ako - batu-bato sa langit ang tamaan magalit na kung magagalit.
Wala sanang tamaan.
Bagong Tula
July 20, 2008Bagong tula na may pamagat na Sa Mega. Naisulat ko sa kadahilanang kailangang may maiworkshop ako para sa aplikasyon ko sa UP Ugat. ‘Eto:
Sa Mega
Ito ay pangkaraniwanpara sa iyo:
ang imahe
ng papalubog na araw
ang hudyat
ng ritwal mong pagbisita
sa Mega.
Pakunsuwelo mo itong ituring
para sa ‘yong maghapong
paggawa.
Sasaluhin ng iyong mukha,
ang aircon ng Mega
na palagiang pinasasayaw
ang maninipis mong
mga buhok.
Magpapakulong ka
sa mga kongkretong pader
ng Mega.
Iyong malilimot ang lahat
sa tingkad ng ilaw,
sa walang humpay
na mga paggalaw.
Susuyurin mo
kahit ang sulok
ng Mega.
Ang bawat stall at shop
ay iyong sisilipin
at papasukin.
Papalitan ng Wendy’s
ang iyong ina,
ng Ace Hardware
ang iyong ama.
Burado sa isip mo
ang iyong pamilya.
Walang lungkot sa Mega.
Walang hapis sa Mega.
Nanamnamin mo ito
hanggang sumapit
ang kinasusuklaman mong
sandali.
Sasalubungin ka
ng maalinsangang hangin
sa paglabas mo
sa Mega.
Mistula kang sasampalin
ng katotohanan.
Ang sakit,
ang hapdi.
Sa paglabas mo
sa Mega,
papasan muli sa iyo
ang iyong mga problemang
kasing haba ng EDSA.
Paalam sa Ikalabing Pitong Taon
July 12, 2008Noong isang linggo ko pa dapat naisulat ito. Isang linggo na rin namang tapos ‘yung okasyon. Pero dahil sa ilang personal na kadahilanan, hindi ko ito natipa, at ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon.
Labing pitong taon na. Ika-anim ng Hulyo noong Linggo, at labing pitong taon ka nang wala sa amin. Ang totoo, hindi ko alam kung ano ang sasabihin, dahil sa lagay ko, hindi naman talaga tayo nagkasama. Dalawang taon lang ako noon, kung tutuusin nga, wala kahit sa sulok ng mga ala-ala ko ang mga pinagsamahan nating dalawa, ‘yun ay kung meron man.
Nakakalungkot isipin ‘yun. Hindi kasi mawawala ‘yung pag-iisip na “ano kaya kung buhay ka at nakita akong lumaki?” at na “ano kaya ako ngayon? ganitong kurso at landas pa rin kaya ang tinatahak?” at iba pang “ano kaya” na mga katanungan. Sabi nga sa mga gasgas na linya, hindi na maibabalik ang nakalipas at ang lahat naman siguro ay may kadahilanan at rason.
Bata pa lang ako, sabi nila sa akin, gusto mo raw na maging doktor ako. Ikinalulungkot ko, pero hindi ko iyon natupad o matutupad. Kung buhay ka, hindi ko alam kung nalubog na ako sa mga maka-agham na pag-aaral. Siguro nagabayan mo ako para matupad iyong pangarap mo sa ‘kin. Pero di ko ‘yun nagawa mag-isa. Nakakahiya man sabihin, hindi ko natupad ‘yung mga habilin mo.
Gaya mo, gusto ko na lang magturo. Gusto kong maging propesor. Nasa linya man ako ng pagsulat at iba pang sining, naiisip ko rin ang sarili ko na nagtuturo. Gusto kong mabuhay habambuhay, kagaya mo, at sa pagtuturo ko iyon maaatim.
Nais ko lang malaman mo na hindi ka nalilimutan. At sa bawat hakbang na ginagawa ko ngayon sa buhay ko, inaalala kita. Maraming salamat sa iyo.
Heto ang lumang tula ko para sa iyo, irerepost ko lang dito:
Opel*
Ang paggunita sa iyo,ay pagtingin
sa kalangitan ‘pag gabi.
Kahilera ng nangingbabaw
na buwan, isa kang bituwin –
minsa’y kumukurap,
kalimita’y nilalamon ng dilim.
Labing pitong taon na
buhat nang tinawag ka ng lupa.
Ang mga nakatukod
na larawan na lang,
sa ibabaw ng telebisyon ko
sa kuwarto
ang iilang iniwan mo sa akin.
Ngunit hindi sumusuot
sa isip ko ang salitang
limot.
Sapagkat sa mga ganitong
panahon, sa mga araw
na kuba ako sa bagabag,
nananangis ako sa ‘yo.
Sa mga ganitong panahon,
hiling ko’y nandito ka,
upang madama ko sana
ang init ng hanging mula
sa iyong bibig.
Na wari ko’y ikaw ay nasa aking tabi:
nais malamang nandiyan ka;
kailangang ko ng Ina,
hinahanap-hanap kita.
*Ofelia
Haiku
July 8, 2008Muli, ehersisyo sa pagtula na ipinasa (ipapasa bukas) sa isang major. Hindi ko gusto ‘yung pamagat na naisip ko, at hindi ko rin alam kung sapat na ang pagiging kongkreto ng imahen (sa tingin ko hindi). Kung hindi ako nagkakamali, unang subok ko sa paggawa ng haiku. Heto:
Sa Bintana ng Jeep
Buhos ang ulan:
ang musmos sa lansangan,
uhaw sa limos.




