Listahan
June 28, 2008Katulad ng mga nagdaang semestre, nagsulat ako ng mga listahan ng mga gusto ko sanang magawa at makuha. Ilan doon ay nabigo ako, pero meron din namang nagawa at nakamit ko. O basta ngayon, gusto ko pa ring gumawa ng listahan, makamit ko man o hindi, basta pipilitin ko. Heto ang listahan ko para sa ngayong semestre.
1. Mag-aral ng mabuti. Gusto ko sanang mapatunayan (lalo na sa sarili ko) na hindi sayang ang paglipat ko ng kurso, at na may igaganda pa ang mga grado ko. Gusto ko sanang maglaan ng mas malaking panahon sa pag-aaral at hindi na magwalang bahala.
2. Magtipid. Regular na nasa listahan ko ito. Magastos talaga ako e. Pang-ilang daang beses na pagtatangka ko na ito para maging masinop.
3. Magdagdag ng timbang (o sige na nga, magpataba). Bumagsak ang timbang ko. Kasabay nito, bumagsak din ‘yung resistensya ko. Anak ng tipaklong kasi na bulutong ‘yun. Simula noong nagkasakit ako ng bulutong, hindi na bumalik ‘yung medyo umaayos na na timbang ko. Ngayon medyo nagkakagana na ulit ako kumain, sana magtuloy-tuloy pa.
3. Magsulat nang magsulat. Nagiging moody na kasi ako sa pagsulat, na alam ko namang hindi tama. Moody na naghahanap pa ako ng takdang panahon para magsulat, hindi iyong tipo na nagsusulat lang ng nagsusulat. ‘Yung huli ang gusto ko. Gusto kong mabago ang nagiging ugali kong ito, gusto ko maagapan.
4. Magbasa nang magbasa. Kailangan ito ng lahat ng mga manunulat - ang sipag sa pagbabasa. Meron naman ako nito. Kailangan ko lang ng mas marami pang materyal. Kaya kasama na rito ‘yung balak ko na sumali sa isang org ng mga manunulat. Mas makakakuha ako ng mga materyal sa ganoong paraan.
at siyempre, para magawa ko nga rin ‘yung number 4, dapat ay may:
6. Ilang nobela pa ni Murakami. Ngayong taon lang ako nagsimulang magbasa ng mga gawa ni Haruki Murakami, ngayong taon lang din naman kasi ako nagkalakas ng loob bumili. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi rin ako makapagtipid. Ang mga nobelang target ko ngayon at hindi ko makita sa mga booksale ay ang The Wind-Up Bird Chronicle at ang Kafka on the Shore. Ay, tumatanggap nga pala ako ng mga regalo!
7. Scott Pilgrim ni Bryan Lee O’ Mailley. Graphic novel ito na medyo animé-ic. Maganda ‘yung istorya at isasapelikula pa nga ito. Ang totoo, hindi pa ako nakakabasa ng buo ng isang graphic novel (masyadong mahal!). Nakahiram lang ako sa isang kaibigan ng gawa ni Neil Gaiman dati, pero hindi ko ito tinapos. Itong Scott Pilgrim sana ang una kong mabasa, dahil trip na trip ko talaga (lalo na ng ipakita ito sa Attack of the Show ng g4tv). Ang problema - hindi ko alam kung saan nakakabili nito sa atin, dito sa Pilipinas. Ang nabalitaan ko, mayroon sa Sputnik Comics sa Cubao, ang kaso, nalalayuan ako sa Cubao, lalo na kung mamamasahe ako mag-isa. Baka mayroon kayong alam na ibang mabibilhan (kahit anong bookstore sana, mas maganda kung malapit sa UP o Cavite), pakisabi naman sa akin. Magcomment kayo rito o i-email ninyo ako sa emailaddnibote@yahoo.com. Salamat.
O ayan, lilimitahan ko muna sa pito. Mahirap na kasi ‘yung masyadong marami. Sana magawa at makuha ko.




