"I used to think that the years would go by in order, that you get older one year at a time... But it's not like that. It happens overnight." - Haruki Murakami, "Dance Dance Dance"

Home » Archives » 15. June 2008

Panggagagad

June 15, 2008

Lumang ehersisyo ito sa pagsulat noong nakaraang semestre. Naghalungkat ako ng mga naipasang papel at nakita ko ito. Kahit maraming butas at pilit ang paggawa ng tula, naisip ko na ipost dito. Panggagagad o panggagaya ito kay Ka Amado V. Hernandez at sa tula niyang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan. Mahirap ito sapagkat kailangang sundin ang tradisyonal na pagtula - may sukat, tugma, caesura, at iba pa. Sa unang bahagi ipopost ko ang tula ni Ka Amado, at sa huli ang pansariling panggagad sa estilo na may pamagat na "Kapatid." Paumanhin sa babaw ng gamit.

Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan
 
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.
 
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!
 
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
 
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.
 
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo
 

Kapatid
 
Sa ‘yong matamlay na bayan, wari ika’y nanlulumo,
puso mo ay tumatangis sa kapwa mong nanunuyo
ang sikumura; nanlilimos, nabubusog sa pangako
ng sa ‘tin ay namumuno, hari-hariang palalo.
 
Mistula kang nanghihina, tila ba ikaw ay sawi,
mga pinagpawisan mo’y kaunti ang ‘yong bahagi;
iba ang nakikinabang- batas na namumutawi:
kapangyarihan ang yaman, ang mayaman ang s’yang hari.
 
Ngunit di dapat malumbay, kapatid kong minamahal,
sa gitna ng mga unos ng bayan mong napapagal;
sa lupaing nalulugmok, karikta’y nadudungisan,
huwag kang magpapatangay sa hangin ng kasawian.
 
Dahil di sapat ang lungkot, ang papatulo mong luha,
pangwaksi sa kahirapan, pananggalang sa dalita;
kailangan ay pagkilos, kaisahan sa paggawa,
upang gapos ay mawasak, tungo sa bagong paglaya!
 

Posted by labasngkahon at 8:54 pm | permalink | comments[59]