Dramaturgy sa Panulat
June 6, 2008May maganda akong naisip na topic, kagabi, na puwedeng magandang sanaysay, kuwento, o tula, habang nagbabasa-basa ako ng iba’t ibang blog sa net.
Noong unang semestre ng ikalawang taon ko sa UP, kumuha ako ng klase o kurso sa Anthropology. Mahusay naman ‘yung guro namin doon, kahit na terror siya, at kapag nagbigay ng puntos sa mga sanaysay namin ay 3 out of 75 points. Oo, ganoon siya kadamot magbigay, at hindi namin mahuli ang gusto niya. O basta ganun, terror siya na propesora pero napakarami naman niyang magagandang ideya na naibahagi at naituro sa amin. Isa iyon sa mga klase ko na marami akong natutunang bago, lalo na sa pagiging kritikal.
Isa na nga sa mga naituro niya sa amin iyong termino o perspektibo sa Sosyolohiya ni Erving Goffman na Dramaturgy. Sinasabi sa Dramaturgy ni Goffman na ang bawat kilos, ng tao (o ng aktor, aktor bilang termino sa Sosyolohiya ng lahat ng tao) ay pawang mga pagganap o performance. Dito, sinasabi na nakasalalay sa oras, lunan o lugar, at sa mga kapwa aktor sa paligid, ang performance o kilos ng isang ispesipikong tao; at ang pangunahing layunin ng taong ito ay ang pagtanggap ng mga kapwa aktor. Kung isang taong ito ay nagtagumpay, siya ay titingnan ng mga kapwa aktor, sa kung ano ang gusto niyang itingin sa kaniya
Tapos kagabi, habang nagbabasa nga ng ibang blogs, nabasa ko ang isang sikat na manunulat na nagsabing ang mga teksto ay parang mukha. Iyon ang pumitik sa isipan ko. Dito ko naisip na maaari rin ipasok (ang ideya ni Goffman) sa mga panulat. Maaari rin kasing ituring na pagganap o performance ang bawat panulat. Katulad ng ginagawa ko ngayon, ang lahat ay maaaring magsulat ng kung anuman, na maaaring tingnan na pagganap ng manunulat, na ang layunin, pangunahin man o hindi, ay ang pagtanggap ng mga mambabasa sa kaniya bilang manunulat.
Magandang ideya ito, at pag-aaralan ko itong mabuti. Ngayon pa lang, nakaiisip na ko ng magandang tula. Mahuhusay na titik na lamang ang kailangan ko, at sisimulan ko ito. Maganda ring sanaysay ito, kritikal at pormal na sanaysay, na titingin sa mga performance at pagganap ng mga manunulat. Maaari nga rin na kuwento, kung saan hindi lang ang mga karakter o tauhan ang gumaganap at nagpeperform, kundi maging ang manunulat, o ang nagsasalita at nagkukuwento.
Susubukan ko ito ipasok sa mga klase ko sa Malikhaing Pagsulat upang makakuha ng ideya, at maworkshop na rin ng ilang propesor at mga kamag-aral. Pag pumatok, saka ko lang malalaman na pasok ang mga pagganap ko, at swak din ang mga pagganap ko bilang manunulat. Mahabang pag-aaral pa ito.




