Bakit "labasngkahon"?
June 4, 2008Pasakalye muna tayo.
Matagal ko na talagang planong iwanan ang lumang blog ko. Ngayon na lang din kasi ako nagkapanahon na gumawa ng bago, salamat na rin dahil nagkabulutong ako. Kaya salamat, maraming salamat sa nanghawa sa akin, binigyan mo ako ng motibasyon. Kung di dahil sa iyo, hindi ako sisipaging magtipa.
Pero heto na nga, at tama na ang palabok.
Bakit kamo "labasngkahon"?
Una sa lahat, matagal ko na rin gustong bumuo ng concept blog. ‘Yun bang blog na may isang konsepto lang na iniinugan. Pinilit ko iyon gawin sa luma kong blog, tinangka (na pilit na pilit) ko iyon palabasin bilang isang kunwariang palabas sa telebisyon, ako bilang ang direktor. Pero hindi ito pumasok ng husto, hindi naman kasi ako naging sensitibo sa mga isinusulat ko at di ko man lang inisip na ibagay ang mga ito sa konsepto ng blog ko.
Sa madaling salita, pagtupad sa pangarap ko na bumuo ng isang blog na may kongkretong konsepto itong "labasngkahon."
Pero bakit nga "labasngkahon"?
Wala lang. Gusto kong magsulat dito nang "labas sa kahon," kung ano man ang intindi mo roon. Ang totoo, iyon kasi ang talaga ang gusto kong estilo na kalalabasan ng aking pagsusulat. Gusto ko, ang mga naisusulat ko, kuwento, sanaysay, o tula man ay lumalabas sa kahon. Ang "kahon" bilang isteryotipo ng lipunan, ang mga pinaniniwalaang "tama," dahil lamang sa ito ay sinusunod ng nakararami.
Kaya dito sa blog na ito, gusto ko nang masanay iyon. Sapagkat ramdam kong ngayon pa lang, dapat pinoproblematisa ko na ang estilo ko sa pagsusulat at kung ano nga ba ang nais kong isulat. Dito ko iyon planong hasain, habang maaga pa.
Magandang simula rin ito kaalinsabay ng paglipat ko ng kurso sa Malikhaing Pagsulat.
Basta, pipilitin kong lumabas ng kahon. Dito ako magpapaka- o magfeefeeling kritikal.
Sa Simula, Dapat Magtapat
Gumawa ako ng bagong blog dahil sa simpleng dahilanang gusto ko ng bagong anyo. Kamakailan, at hindi pa ito alam maging ng aking mga kaibigan, napag-alaman ko na may kanser ako sa lapay o pancreatic cancer. Wala pa naman ito sa malalang yugto pero wala rin ito sa panimulang pag-usbong ng sakit. Pinag-aaralan pa ng mga doktor ko ang susunod kong hakbang, ngunit sa malamang, operasyon at chemotherapy rin ang susuungin ko. Pansamantala, upang magsilbing therapy sa akin at bilang pampalubag-loob na rin sa dinaranas ko ngayon, magsusulat ako rito sa bagong blog.
Salamat at inaasahan ko ang inyong suporta at panalangin.
Charing lang mga ser at mam!
Wala akong kanser ‘no. Ang totoo, may bulutong ako ngayon at matagal ko na talagang plano magpalit ng blog. Ang higit sa dalawang taong blog ko kasi na akoitosibote.blogspot.com ay maituturing ng matanda. Pakiramdam ko, hindi na ako ‘yung nagsulat noong mga lumang post ko doon, napakabata ko pa kasi nun, at kailangan na talaga ng pagbabago.
Dito sa bagong blog ko ilalagay, tulad ng dati, ang mga bagong pansariling sanaysay, mga piling tula, at baka maging ang mga dating naisulat ko na na trip ko pa ring isama bilang pampadami ng post.
O siya sige, antabayanan na lang.





