Pagsasalin
June 28, 2008Ehersisyo muli ito sa isang klase (MPs 171, Pagsulat ng Tula sa ilalim ni Prop. Reuel M. Aguila). Pagsasalin ito ng tula o akda ni Pablo Neruda na isa sa Twenty Love Poems na may pamagat na Tonight I Can Write. Ipopost ko iyon pagtapos ng aking salin. Kung may makababasang ibang makata, o kung sino man siguro, pakiworkshop o pakibigyan ng komento sana. Bagong gawa lang ito at hindi pa talaga lubusang naeedit. Ang totoo, sa July 2 pa ang pasahan nito. Heto ang aking salin:
Makasusulat ako ng nagdadalamhating tula ngayong gabi.
Makasusulat, halimbawa, “Ang gabi ay pira-piraso
at ang mga bituwin, bughaw, ay giniginaw sa malayo.”
Ang hangin ay umiinog sa langit at umaawit.
Makasusulat ako ng nagdadalamhating tula ngayong gabi.
Inibig ko siya, at minsan, ako’y kaniyang inibig din.
Sa mga gabing tulad ngayon, akap ko siya sa aking bisig.
Paulit-ulit ang aking mga halik sa ilalim ng malawak na langit.
Inibig niya ako, at minsan, inibig ko rin siya.
Sinong hindi iibig sa kaniyang maririkit na mga mata?
Makasusulat ako ng nagdadalamhating tula ngayong gabi.
Upang isiping wala siya sa aking piling, upang isiping nawala siya sa akin.
Upang marinig sa malawak na gabi, mas malawak ‘pagkat wala siya.
At ang berso’y tumutulo sa aking kalooban tulad ng hamog sa parang.
Anong dahilan at ang pag-ibig ko’y hindi siya kayang panatilihin?
Ang gabi ay pira-piraso at siya ay wala sa aking tabi.
Ito ang lahat. Sa malayo, may isang umaawit. Sa malayo.
Ang damdamin ko’y di mapalagay dahil siya’y nawala na.
Ang paningin ko’y humahanap sa kaniya, waring tutungo sa kaniya.
Hinahanap siya ng aking puso, ngunit siya’y wala sa aking tabi.
Ito ang parehong gabing nagliliwanag sa parehong mga puno.
Kami, noong panahong iyon, ay di na tulad ng dati.
Hindi ko na siya iniibig, iyon ang totoo, ngunit labis ko siyang inibig.
Hinahanap ng aking tinig ang hangin upang dumampi sa kaniyang pandinig.
Sa iba. Siya’y maaari ng iba. Tulad ng nagdaan kong mga halik.
Ang kaniyang tinig. Ang nagniningning niyang katawan. Ang walang-hanggang mga mata.
Hindi ko na siya iniibig, iyon ang totoo, ngunit labis ko siyang inibig.
Maikli ang pag-ibig, mahaba ang paglimot.
Sapagkat sa mga gabing tulad ngayon, akap ko siya sa aking bisig,
ang damdamin ko’y di mapalagay dahil siya’y nawala na.
Ito marahil ang huling hapding maipadarama niya sa akin
at ito ang mga huling taludtod na maisusulat ko para sa kaniya.
Heto ang orihinal:
Tonight I can write the saddest lines.
Write, for example, ‘The night is shattered
and the blue stars shiver in the distance.’
The night wind revolves in the sky and sings.
Tonight I can write the saddest lines.
I loved her, and sometimes she loved me too.
Through nights like this one I held her in my arms.
I kissed her again and again under the endless sky.
She loved me, sometimes I loved her too.
How could one not have loved her great still eyes.
Tonight I can write the saddest lines.
To think that I do not have her. To feel that I have lost her.
To hear the immense night, still more immense without her.
And the verse falls to the soul like dew to the pasture.
What does it matter that my love could not keep her.
The night is shattered and she is not with me.
That is all. In the distance someone is singing. In the distance.
My soul is not satisfied that it has lost her.
My sight searches for her as though to go to her.
My heart looks for her, and she is not with me.
The same night whitening the same trees.
We, of that time, are no longer the same.
I no longer love her, that’s certain, but how I loved her.
My voice tried to find the wind to touch her hearing.
Another’s. She will be another’s. Like my kisses before.
Her voice. Her bright body. Her infinite eyes.
I no longer love her, that’s certain, but maybe I love her.
Love is so short, forgetting is so long.
Because through nights like this one I held her in my arms
and my soul is not satisfied that it has lost her.
Though this be the last pain that she makes me suffer
and these the last verses that I write for her.
Listahan
Katulad ng mga nagdaang semestre, nagsulat ako ng mga listahan ng mga gusto ko sanang magawa at makuha. Ilan doon ay nabigo ako, pero meron din namang nagawa at nakamit ko. O basta ngayon, gusto ko pa ring gumawa ng listahan, makamit ko man o hindi, basta pipilitin ko. Heto ang listahan ko para sa ngayong semestre.
1. Mag-aral ng mabuti. Gusto ko sanang mapatunayan (lalo na sa sarili ko) na hindi sayang ang paglipat ko ng kurso, at na may igaganda pa ang mga grado ko. Gusto ko sanang maglaan ng mas malaking panahon sa pag-aaral at hindi na magwalang bahala.
2. Magtipid. Regular na nasa listahan ko ito. Magastos talaga ako e. Pang-ilang daang beses na pagtatangka ko na ito para maging masinop.
3. Magdagdag ng timbang (o sige na nga, magpataba). Bumagsak ang timbang ko. Kasabay nito, bumagsak din ‘yung resistensya ko. Anak ng tipaklong kasi na bulutong ‘yun. Simula noong nagkasakit ako ng bulutong, hindi na bumalik ‘yung medyo umaayos na na timbang ko. Ngayon medyo nagkakagana na ulit ako kumain, sana magtuloy-tuloy pa.
3. Magsulat nang magsulat. Nagiging moody na kasi ako sa pagsulat, na alam ko namang hindi tama. Moody na naghahanap pa ako ng takdang panahon para magsulat, hindi iyong tipo na nagsusulat lang ng nagsusulat. ‘Yung huli ang gusto ko. Gusto kong mabago ang nagiging ugali kong ito, gusto ko maagapan.
4. Magbasa nang magbasa. Kailangan ito ng lahat ng mga manunulat - ang sipag sa pagbabasa. Meron naman ako nito. Kailangan ko lang ng mas marami pang materyal. Kaya kasama na rito ‘yung balak ko na sumali sa isang org ng mga manunulat. Mas makakakuha ako ng mga materyal sa ganoong paraan.
at siyempre, para magawa ko nga rin ‘yung number 4, dapat ay may:
6. Ilang nobela pa ni Murakami. Ngayong taon lang ako nagsimulang magbasa ng mga gawa ni Haruki Murakami, ngayong taon lang din naman kasi ako nagkalakas ng loob bumili. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi rin ako makapagtipid. Ang mga nobelang target ko ngayon at hindi ko makita sa mga booksale ay ang The Wind-Up Bird Chronicle at ang Kafka on the Shore. Ay, tumatanggap nga pala ako ng mga regalo!
7. Scott Pilgrim ni Bryan Lee O’ Mailley. Graphic novel ito na medyo animé-ic. Maganda ‘yung istorya at isasapelikula pa nga ito. Ang totoo, hindi pa ako nakakabasa ng buo ng isang graphic novel (masyadong mahal!). Nakahiram lang ako sa isang kaibigan ng gawa ni Neil Gaiman dati, pero hindi ko ito tinapos. Itong Scott Pilgrim sana ang una kong mabasa, dahil trip na trip ko talaga (lalo na ng ipakita ito sa Attack of the Show ng g4tv). Ang problema - hindi ko alam kung saan nakakabili nito sa atin, dito sa Pilipinas. Ang nabalitaan ko, mayroon sa Sputnik Comics sa Cubao, ang kaso, nalalayuan ako sa Cubao, lalo na kung mamamasahe ako mag-isa. Baka mayroon kayong alam na ibang mabibilhan (kahit anong bookstore sana, mas maganda kung malapit sa UP o Cavite), pakisabi naman sa akin. Magcomment kayo rito o i-email ninyo ako sa emailaddnibote@yahoo.com. Salamat.
O ayan, lilimitahan ko muna sa pito. Mahirap na kasi ‘yung masyadong marami. Sana magawa at makuha ko.
Panggagagad
June 15, 2008Lumang ehersisyo ito sa pagsulat noong nakaraang semestre. Naghalungkat ako ng mga naipasang papel at nakita ko ito. Kahit maraming butas at pilit ang paggawa ng tula, naisip ko na ipost dito. Panggagagad o panggagaya ito kay Ka Amado V. Hernandez at sa tula niyang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan. Mahirap ito sapagkat kailangang sundin ang tradisyonal na pagtula - may sukat, tugma, caesura, at iba pa. Sa unang bahagi ipopost ko ang tula ni Ka Amado, at sa huli ang pansariling panggagad sa estilo na may pamagat na "Kapatid." Paumanhin sa babaw ng gamit.
Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo
Kapatid
Sa ‘yong matamlay na bayan, wari ika’y nanlulumo,
puso mo ay tumatangis sa kapwa mong nanunuyo
ang sikumura; nanlilimos, nabubusog sa pangako
ng sa ‘tin ay namumuno, hari-hariang palalo.
Mistula kang nanghihina, tila ba ikaw ay sawi,
mga pinagpawisan mo’y kaunti ang ‘yong bahagi;
iba ang nakikinabang- batas na namumutawi:
kapangyarihan ang yaman, ang mayaman ang s’yang hari.
Ngunit di dapat malumbay, kapatid kong minamahal,
sa gitna ng mga unos ng bayan mong napapagal;
sa lupaing nalulugmok, karikta’y nadudungisan,
huwag kang magpapatangay sa hangin ng kasawian.
Dahil di sapat ang lungkot, ang papatulo mong luha,
pangwaksi sa kahirapan, pananggalang sa dalita;
kailangan ay pagkilos, kaisahan sa paggawa,
upang gapos ay mawasak, tungo sa bagong paglaya!
Unang Linggo
June 14, 2008Tapos na ‘yung unang linggo ko sa ikatlong taon at sa bagong kurso. Hindi ko alam kung dapat ako maging masaya, dahil nagsimula ang linggo ko na masama, pero nagtapos naman ito ng medyo kaaya-aya.
Hirap ako sa pag-enroll. Ang dami kong inasikaso, at natanga pa ako. Kakagaling ko lang kasi sa bulutong noon. At tinatantya-tantya ko pa ‘yung sarili ko. Nakakainis kasi hindi naaprubahan ‘yung scholarship na dapat ay nakapagpababa ng malaki sa tuition ko. Oo, iskolar kami ng bayan at mababa na talaga ang binabayaran ko sapagkat hindi naman ako inabot ng tuition fee increase, pero nakapanghihinayang pa rin ‘yung sana’y ikakaltas. Hindi naaprubahan ang scholarship ko dahil nagkaroon ng bagong requirement, ‘yung true copy of grades ko. Ang kaso, hindi naglalabas nito ‘yung college namin habang registration period. Anak ng tipaklong. Nakipagdebate pa ako sa isa sa mga nag-aassess ng scholarship sa registrar. Ayaw n’ya pakinggan ‘yung paliwanag ko. Ang sinabi lang niya, bayaran ko na lang muna ng buo, at saka ko na lang iparefund. Wala akong nagawa.
Ang totoo, sinisisi ko ‘yung sarili ko dahil ko agad inalam na may bagong requirement sa scholarship ko. Ikalawa, nahihiya ako sa ate ko, na siyang nagbibigay ng pangtuition ko, at sa tatay ko, na s’yang dahilan kung bakit may scholarship ako. Nakapanghihinayang ng sobra at nakakaasar dahil wala ako nagawa. Sana lang marefund ko, sana lang talaga.
Ayos naman ‘yung mga propesor ko. Alam ko hindi magandang pang-uri ‘yung salitang "ayos," pero ‘yun ang gusto kong gamitin para mediocre, dahil ko pa naman talaga sila nababasa at nakikilala ng buo.
Sa tingin ko, cool ‘yung prof ko sa Math. Oo, nasa Malikhaing Pagsulat na ako, pero may Math subject pa rin ako (hindi lang ‘yun, may Chemistry pa nga!). Kasama pa rin kasi iyon sa RGEP program ng UP, na mariing tinututulan ng marami sapagkat nakakahon at nalilimitahan ang mga estudyante. Sila na kasi ang nagtatakda sa kung ilang units ang dapat kuhanin sa isang bahaging akademiko tulad ng Filipino, Math, Sciences, at iba pa. Pero ayoko rito ilagay ang pagiging anti-RGEP ko, kahit na sinabi ko na ito, basta ang ramdam ko, cool ang Math prof ko. Kahit na sinasabi niya na may bumabagsak pa rin naman daw sa klase n’ya, maaliwalas naman ang pagtuturo niya, paminsan nagpapatawa, at may pagkahumble sa kaniyang pagtuturo kahit na matanda na siya. Hindi tulad ng ibang propesor na mayabang, na nagiging sagabal pa nga minsan sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Gaya ng sabi ko sa itaas, may Chemistry rin ako. Mukhang mabait din naman ‘yung propesora ko, hindi ko nga lang siya halos marinig magsalita. Sa likod kasi ako nakaupo, at halos auditorium size ang silid namin upang makapasok ang 80 ko pang mga kaklase. Ang hina niya magsalita, mahinhin siya, o baka pahinhin lang magturo. May pagkukumbaba rin sa pagtuturo niya, kaya sana naman ay hindi na ako pahirapan sa pagpasa at pagkuha ng inaasam na grado.
‘Yung isa kong klase, Art Studies. Wala akong masabing negatibo at wala rin naman ako masabing positibo. Bago ‘yung prof namin, unang semestre niya magturo, kaya may mga awkward silence paminsan habang naglelecture siya (iyon ‘yung mga pagkakataong nakalimutan niya ang dapat sabihin). Pero mukhang okey din naman siya, sana lang, dahil bata pa, hindi siya magpower trip. At di siya maadik sa bagong taglay na kapangyarihan. Sana hindi magpakadiyos, o ika nga sa Ingles na paborito kong kataga, playing god.
Ang iba ko pang klase, sa tingin ko, magugustuhan ko naman. Filipino 10.1 (pag-aaral ng Kapampangan), Filipino 50 (panimula yata sa panitikan, hindi ko sigurado) at Malikhaing Pagsulat 171 (pagsulat ng tula). Cool kasi ang mga propesor at isang propesora ko sa tatlong ito (ang totoo, lahat naman halos ng kaguruan sa departamento namin, DFPP, ay cool). Sikat na guro at manunulat ang mga ito. Sikat na manunulat, historyador, at mananaliksik ang propesor at propesora ko sa Filipino 10.1 at 50. Rockstar ang propesor ko sa MP 171, sabi sa haka-haka, dati siyang rhythm at bassist ng Juan de la Cruz band. Pero kilala talaga siyang manunulat, Palanca-award winning writer pa nga, at ang Makata ng Taon sa taong 2008. Relax at chill lang kami sa klase, kasama ang ibang mga batang manunulat, kahit na maraming kailangang basahin at isulat. Maging matrabaho man ang mga ito, pakiramdam ko ay magiging masaya pa rin naman ako. Gusto ko naman ang pagsulat at ang pag-aaral ng wika. Makatutulong ito ng habang naghahanap ako ng sarili sa pagsulat.
Sabik ako sa mga maaring mangyari ngayong semestre. Balak ko talaga ay magdoble ng sikap sa pag-aaral. Anumang mga nagawa kong kamalian sa naunang apat na semestre ko sa UP, gusto ko na ibaon, at ngayon ang unang semestre ng pagbabagong buhay. Sana lang maisagawa ko. ‘Yun ang paborito kong salita ngayon bukod sa "cool" — sana. Sana naman.
Walang pag-aalinlangang pagbati:
Maligayang isandaang kaarawan sa unibersidad kong mahal (sa Miyerkules, foundation day sa Diliman). Patuloy ka sanang maging anyong humuhubog sa kamalayan ng mga kabataan. Patuloy mo sanang itaguyod ang paglaban sa katotohanan sa kabila ng komersalisasyon na isinusulong ngayon ng mga nagpapalakad sa iyo. Patuloy ka sanang maging huwaran sa pagwasak at pagwaksi sa mga kahon ng lipunan. Mabuhay ka.
Dramaturgy sa Panulat
June 6, 2008May maganda akong naisip na topic, kagabi, na puwedeng magandang sanaysay, kuwento, o tula, habang nagbabasa-basa ako ng iba’t ibang blog sa net.
Noong unang semestre ng ikalawang taon ko sa UP, kumuha ako ng klase o kurso sa Anthropology. Mahusay naman ‘yung guro namin doon, kahit na terror siya, at kapag nagbigay ng puntos sa mga sanaysay namin ay 3 out of 75 points. Oo, ganoon siya kadamot magbigay, at hindi namin mahuli ang gusto niya. O basta ganun, terror siya na propesora pero napakarami naman niyang magagandang ideya na naibahagi at naituro sa amin. Isa iyon sa mga klase ko na marami akong natutunang bago, lalo na sa pagiging kritikal.
Isa na nga sa mga naituro niya sa amin iyong termino o perspektibo sa Sosyolohiya ni Erving Goffman na Dramaturgy. Sinasabi sa Dramaturgy ni Goffman na ang bawat kilos, ng tao (o ng aktor, aktor bilang termino sa Sosyolohiya ng lahat ng tao) ay pawang mga pagganap o performance. Dito, sinasabi na nakasalalay sa oras, lunan o lugar, at sa mga kapwa aktor sa paligid, ang performance o kilos ng isang ispesipikong tao; at ang pangunahing layunin ng taong ito ay ang pagtanggap ng mga kapwa aktor. Kung isang taong ito ay nagtagumpay, siya ay titingnan ng mga kapwa aktor, sa kung ano ang gusto niyang itingin sa kaniya
Tapos kagabi, habang nagbabasa nga ng ibang blogs, nabasa ko ang isang sikat na manunulat na nagsabing ang mga teksto ay parang mukha. Iyon ang pumitik sa isipan ko. Dito ko naisip na maaari rin ipasok (ang ideya ni Goffman) sa mga panulat. Maaari rin kasing ituring na pagganap o performance ang bawat panulat. Katulad ng ginagawa ko ngayon, ang lahat ay maaaring magsulat ng kung anuman, na maaaring tingnan na pagganap ng manunulat, na ang layunin, pangunahin man o hindi, ay ang pagtanggap ng mga mambabasa sa kaniya bilang manunulat.
Magandang ideya ito, at pag-aaralan ko itong mabuti. Ngayon pa lang, nakaiisip na ko ng magandang tula. Mahuhusay na titik na lamang ang kailangan ko, at sisimulan ko ito. Maganda ring sanaysay ito, kritikal at pormal na sanaysay, na titingin sa mga performance at pagganap ng mga manunulat. Maaari nga rin na kuwento, kung saan hindi lang ang mga karakter o tauhan ang gumaganap at nagpeperform, kundi maging ang manunulat, o ang nagsasalita at nagkukuwento.
Susubukan ko ito ipasok sa mga klase ko sa Malikhaing Pagsulat upang makakuha ng ideya, at maworkshop na rin ng ilang propesor at mga kamag-aral. Pag pumatok, saka ko lang malalaman na pasok ang mga pagganap ko, at swak din ang mga pagganap ko bilang manunulat. Mahabang pag-aaral pa ito.
Bakit "labasngkahon"?
June 4, 2008Pasakalye muna tayo.
Matagal ko na talagang planong iwanan ang lumang blog ko. Ngayon na lang din kasi ako nagkapanahon na gumawa ng bago, salamat na rin dahil nagkabulutong ako. Kaya salamat, maraming salamat sa nanghawa sa akin, binigyan mo ako ng motibasyon. Kung di dahil sa iyo, hindi ako sisipaging magtipa.
Pero heto na nga, at tama na ang palabok.
Bakit kamo "labasngkahon"?
Una sa lahat, matagal ko na rin gustong bumuo ng concept blog. ‘Yun bang blog na may isang konsepto lang na iniinugan. Pinilit ko iyon gawin sa luma kong blog, tinangka (na pilit na pilit) ko iyon palabasin bilang isang kunwariang palabas sa telebisyon, ako bilang ang direktor. Pero hindi ito pumasok ng husto, hindi naman kasi ako naging sensitibo sa mga isinusulat ko at di ko man lang inisip na ibagay ang mga ito sa konsepto ng blog ko.
Sa madaling salita, pagtupad sa pangarap ko na bumuo ng isang blog na may kongkretong konsepto itong "labasngkahon."
Pero bakit nga "labasngkahon"?
Wala lang. Gusto kong magsulat dito nang "labas sa kahon," kung ano man ang intindi mo roon. Ang totoo, iyon kasi ang talaga ang gusto kong estilo na kalalabasan ng aking pagsusulat. Gusto ko, ang mga naisusulat ko, kuwento, sanaysay, o tula man ay lumalabas sa kahon. Ang "kahon" bilang isteryotipo ng lipunan, ang mga pinaniniwalaang "tama," dahil lamang sa ito ay sinusunod ng nakararami.
Kaya dito sa blog na ito, gusto ko nang masanay iyon. Sapagkat ramdam kong ngayon pa lang, dapat pinoproblematisa ko na ang estilo ko sa pagsusulat at kung ano nga ba ang nais kong isulat. Dito ko iyon planong hasain, habang maaga pa.
Magandang simula rin ito kaalinsabay ng paglipat ko ng kurso sa Malikhaing Pagsulat.
Basta, pipilitin kong lumabas ng kahon. Dito ako magpapaka- o magfeefeeling kritikal.
Sa Simula, Dapat Magtapat
Gumawa ako ng bagong blog dahil sa simpleng dahilanang gusto ko ng bagong anyo. Kamakailan, at hindi pa ito alam maging ng aking mga kaibigan, napag-alaman ko na may kanser ako sa lapay o pancreatic cancer. Wala pa naman ito sa malalang yugto pero wala rin ito sa panimulang pag-usbong ng sakit. Pinag-aaralan pa ng mga doktor ko ang susunod kong hakbang, ngunit sa malamang, operasyon at chemotherapy rin ang susuungin ko. Pansamantala, upang magsilbing therapy sa akin at bilang pampalubag-loob na rin sa dinaranas ko ngayon, magsusulat ako rito sa bagong blog.
Salamat at inaasahan ko ang inyong suporta at panalangin.
Charing lang mga ser at mam!
Wala akong kanser ‘no. Ang totoo, may bulutong ako ngayon at matagal ko na talagang plano magpalit ng blog. Ang higit sa dalawang taong blog ko kasi na akoitosibote.blogspot.com ay maituturing ng matanda. Pakiramdam ko, hindi na ako ‘yung nagsulat noong mga lumang post ko doon, napakabata ko pa kasi nun, at kailangan na talaga ng pagbabago.
Dito sa bagong blog ko ilalagay, tulad ng dati, ang mga bagong pansariling sanaysay, mga piling tula, at baka maging ang mga dating naisulat ko na na trip ko pa ring isama bilang pampadami ng post.
O siya sige, antabayanan na lang.






