"I used to think that the years would go by in order, that you get older one year at a time... But it's not like that. It happens overnight." - Haruki Murakami, "Dance Dance Dance"

Home

Lipat, Lipat Ulit

September 4, 2008

Mga isang buwan na akong nagpopost sa Multiply account ko. Du’n na muna ko kasi wala lang, pa-cool lang. Kita kits.

 

labasngkahon.multiply.com 

Posted by labasngkahon at 3:25 pm | permalink | Add comment

Tatlong Daan sa Isang Daan

August 7, 2008

Sa sulok, nagsisiksikan ang mga alikabok. Makakapal na agiw ang disenyo
ng kisameng kulay-lupa ang pagkaputi.
Bakbak ang pintura ng pintuang saksi
sa lahat-lahat –
ang mga sikretong pinapasa-pasa,
ang maiigting na talastasan,
palitan ng kaalaman,
ang paglakas at paghina ng damdaming
makabayan.

Dito kung saan
tanging ang paglamon ng anay
sa likod ng mga kahoy na pader
ang nanatiling buhay.
Ang iba, sumusuko na at
nangamamatay.

Kaya maitatanong ang ganito:
Ito na ba ang pangako ninyong pagkabuhay,
ang muling pagsigla,
matapos ang higit tatlong daang
porsiyentong
inyong pinapasan?

Marahil, maalikabok na rin
ang inyong utak.
At sadyang bakbak na
ang inyong pagkatao.
Oo nga’t kitang-kita,
kulay-lupa na rin
ang pagkaputi
ng inyong dangal
at puri.

Posted by labasngkahon at 5:08 pm | permalink | comments[3]

Walang Lihim na Hindi Nabubunyag

August 1, 2008

O di ba? Pamagat pa lang, gasgas na.

Simple lang ito. Noon, sa isang klase sa pagsulat na puro palihan, pinipilit kaming magsulat nang magsulat patungkol sa sarili hanggang sa maubos ang lahat lahat ng puwede naming maisulat. Ginawa namin ito para makaalis na kami sa paloob na pagsusulat. Sa madaling salita, para makapagsulat na kami ng may katuturan na tutumbok sa mga diskursong panlipunan.

Pero hanggang ngayon, sa tingin ko hindi pa ubos ang lahat ng puwede kong maisulat tungkol sa akin. Sa tingin ko nga marami pa, kahit na nakasusulat na naman ako kahit papaano ng mga akdang hindi lamang tinitingnan bilang sining o akda. At dahil nga paalis kami para sa final rites ng aplikasyon ko sa UP Ugat (hindi ko alam kung makababalik ako ng buhay, ha-ha-ha), nais ko muna maisulat ito, para may nagawa akong makabuluhan.

Kaya heto, heto ang ilang lihim (na ako o iilan lang ang nakakaalam), tungkol siyempre, sa akin:

1. Noong bata ako, madalas akong umiyak kapag nalaman kong aalis ang tatay ko sa bahay. At hindi lang basta iyak ha, talagang hagulgol at may kasama pang pagwawala. Noon kasi, madalas ay ginagabi ang tatay ko. Kinakailangan niyang umalis habang tulog pa ko, dahil kapag inabutan ko siya na paalis, tiyak ‘yun, sasabog na ako. Kapag nakakaalis naman siya ng matiwasay, sa gabi naman, naiinip ako sa pagdating niya. Kaya hayun, magsisimula na ‘yung ritwal ko noon. Parang may kinakatay na baboy sa bahay namin. Hindi rin nakakatulong iyong mga sinasabi sa akin para tumahan, ‘yung mga linya tulad ng “tumigil ka, magagalit ang kapitbahay.” o “wag ka na umiyak, sige, darating ang pulis.” at iba pang panakot. Kapag naririnig ko ‘yun, lalo ako umiiyak, lalo ko pa nilalakasan na naglalabasan na lahat ng litid ko sa leeg, at lalo pa kong nangangalampag ng dingding, mesa, upuan, at pinto.

2. Paborito kong mapansin ‘yung pagkakatagni-tagni ng mga simpleng pangyayari. Halimbawa ganito, hihikab ako, tapos hihikab din ‘yung katabi ko, tapos hihikab din ‘yung nasa tapat niya na mataas naman ang energy at patawa-tawa pa. Nakakatuwa tingnan iyong ganoon, kahit na hindi ko naman alam kung may siyentipiko bang eksplanasyon iyon dahil hindi ko pa naman nasasaliksik. Sino ba naman kasi ang mag-aaksaya ng panahon sa pag-aaral ng pagkahawa sa paghikab di ba? Hindi lang ‘yun, paborito ko rin ‘yung hawa sa pagngiti, ngisi, o tawa.

3. Sa MRT, kailangan ako  makaupo sa ispesipikong lugar at sa ispesipikong couch ng train. ‘Pag hindi doon, hindi na ako sasakay.

4. Kapag umiinom ako ng maraming alak o serbesa, nagkakaallergy ako sa palad. Ang tawag ko roon, pikachu, para kasing nag-eevolve ‘yung palad ko. Sobrang pula at sobrang kati. Tapos noon, magbabalat ‘yung palad ko, at isang buwan iyon bago matapos. Oo, isang buwan kong binubuno ang pagbabalat ng palad, ang hindi kaaya-ayang hitsura nun, ang hapdi ng mga natutuklap na balat, at ang hirap humawak ng kung anumang bagay. Kaya kapag nag-iinom ako kasama ang sinuman, madalas, tumatanggi na akong magpakalasing talaga at uminom ng marami. Lagi kong sinasabi, “Pre, ayoko magkapikachu ngayon.” Tapos tatawa sila. O kaya sasagot ng “Pre, pikachu lang ‘yun!”

5. Maselan ako sa oras. Kung maaari, kailangan lahat eksakto at kailangan lahat nakaplano. May mga ritwal akong pansariling sinusunod. Kapag may ibang tao na nakatapak at nakasira ng schedule ko, madalas, nag-iinit ang ulo ko. Pero kung ako naman ang nagdesisyon na sirain ito, ayos lang. Tapos may kuwentong buhay na ganito: Dati kinakailangan ko magpagsising para mag-ayos sa pagpasok sa klase. Kailangan 4:40 ng umaga, gigisingin na ako, tapos tatayo na ako, tapos bababa ng hagdan namin, tapos uupo sa sala ng limang minuto para bumuwelo. Pero hindi laging perpekto sa lahat ng araw. ‘Pag lumalagpas kahit limang minuto ang paggising sa akin, nagwawala na ako. Lagi akong pasigaw na nagsasalita ng “Bakit ngayon n’yo lang ako ginising?!” tapos magdadabog na ako na parang ayoko na pumasok at hindi na tama ang time schedule ko. Madalas nga, hindi na talaga ko pumapasok at inaaway ko lang ang lahat ng tao sa bahay, lalo na ‘yung dapat gumising sa akin. Buong araw na mamamaga ‘yung mata ko, at mauubos ‘yung boses ko kakaiyak. Ganoon, ganoon ako kabait.

6. Ayoko kay Toni Gonzaga at sa chinichismis na peke niyang suso. Bakit ba? E basta ayoko sa kaniya. Hindi ako natutuwa at nagagalingan.

‘Yan muna. Ayoko ng masyadong mahabang post. Tingnan n’yo na lang kung ano diyan ang totoo at kung ano ang piksyon. Baka naman kasi may inimbento lang ako sa mga iyan.

Bilang pangwakas, gusto ko i-quote si Ser Jun Cruz Reyes na naikuwento lang naman din na sinabi niya raw ito: Noong panahon ng Martial Law at hinuli si Ser, tinanong siya kung totoo ba raw ‘yung mga sinulat niya, ang sagot ni Ser:  “Aba, don’t ask me. I’m a fictionist. I’m not capable of telling the truth.”

Posted by labasngkahon at 1:51 pm | permalink | Add comment

Pagbubulay-bulay

July 24, 2008

Pasakalye:

Noong mga nakalipas na araw marami akong natuklasan. Sa sarili ko, sa mga taong nakaligid sa akin sa kasalukuyan, maging sa mundo na iniikutan ko ngayon. Ang iba nakagugulat, iba nakapanghihina, may iba rin namang wala lang, petiks lang, at kaswal lang. Kung magiging abstrakto man itong post ko na ito, pagpasensyahan n’yo na. Ayaw ko lang kasing maging ispesipiko at kongkreto sa kadahilanang baka may matapakan akong mga tao na tahimik namang tumatawid sa kani-kanilang mga buhay. Ayoko rin naman mang-away.

***

Nag-aaral ako ngayong magtimpi at magpigil. May mga pagkakataon kasi, personal na mga pangyayari, na nagiging sobra na akong madamot. Pinipilit kong matutuhan ang pagkontrol sa emosyon ko. Nakasisira na kasi ito. Ang totoo, nagreresearch pa nga ako ng maaari na therapy para rito. Oo, syet, seryosong bagay na para sa ‘kin ito. Kinakalawang na kasi ito ng relasyon ko sa ibang tao at unti-unting sinisira na rin nito ‘yung sarili ko

Simula ngayon, iniiwasan ko na mag-isip masyado. Ayoko na maging mapanghinala. Pinipilit kong itapon lahat ng insecurities ko at nagiging mas positibo na ako sa sarili ko. Ayoko na rin mangamba na maiiwan ako mag-isa. Ngayon, nagiging ganap na akong mapagtiwala. Isa rin sa mga payo sa akin na gumawa ng kung anumang maaaring gawin na kukunsumo ng aking oras (blogging, pagbasa ng libro). Gagawin ko rin iyon. Sana lang ay magbunga ‘yung mga pagbabagong pansarili na nais kong mapatupad. Nahihirapan na rin kasi ako. Sana umayos na ‘yung lahat, kahit ‘yung mga pansariling problema ko muna.

***

Ang pagiging manunulat (ayoko sanang gamitin dahil problematic lagyan ng label na manunulat ang kung sino man) ay ang pagiging tsismoso. ‘Yan ang sabi sa akin ng isa kong kaibigan na katulad ko, sumusuong din sa pag-aaral ng panitikan at paglinang nito. Magmula noong sinabi niya sa akin ‘to, naging madalas tuloy ang pagtsitsismisan namin, pero hindi lang s’ya, nagkaroon pa nga ako ng ibang katsismisan.

Madalas, patungkol sa mga katulad naming mag-aaral ang pinagbubulung-bulungan namin. Kadalasan, patungkol sa mga hindi tamang gawi. ‘Yung may showbiz factor talaga. May mga pag-uusap kami patungkol sa isang kabatch na galing sa isang sikat na pribadong unibersidad ang di-umano’y nanuhol para lang makatuloy sa kolehiyo, may tungkol sa isang prof na kilala naman talaga sa  pagiging malapit nito sa mga piling babae sa kaniyang klase, at mayroon ding tungkol sa mga freshie sa unibersidad na nagpapakatibak dahil nahatak lang, at di naman alam ang mga ideolohiyang nakasampay sa pagiging aktibista. Ngayon ko naisip na kung di ako papalarin sa kurso, maaari ako magsulat sa segment ni Ogie Diaz sa Magandang Umaga Pilipinas, o pupuwede rin ako sa Bulgar, Abante, at Tiktik. Wala sanang magalit.

***

Mayroong isang kurso (o maikling kurso) sa unibersidad na hindi talaga ako sang-ayon sa pagpapalakad at kung paano pinipili ang mga natatanggap. Matagal ko na itong saloobin dahil sa nagmimistulang stepping stone ito at nawawala na ang “bokasyon” sa isip ng mga kumukuha o ‘yung pagkagusto nila sa kukuhaning kurso. Kumbaga, basta makapasok lang, bahala na.

Napaalala sa akin ‘yung pagkaayaw ko sa programang iyon dahil sa isang report sa klase. Hindi ko na sasabihin kung kasama ba ako sa nag-ulat. Basta ganito, may pag-uulat at pumayag ‘yung propesor namin na maaari namang sa net na lang kumuha dahil minimal lang naman ang kaniyang hinihingi. Ang mga pag-uulat ay mga bagay na internasyonal at pang-ibang bansa, kaya malamang, Inggles ‘yung mga makukuhang teksto.

E di ayun, ‘yung iba Inggles na nga lang ‘yung ginamit sa mga presentasyon pero sa Filipino nagpaliwanag. Pero may isang estudyante na pinilit lang basahin ‘yung mga nasaliksik niya sa wikang Inggles. Habang binabasa niya iyon, ‘dun muling pumasok sa akin ang pagiging malamya ng edukasyon sa Pilipinas. Hindi siya makabasa ng tuwirang Inggles gayong siya ay nasa kolehiyo na at sa UP pa nag-aaral. Hindi ko naman sinasabing kinakailangan talaga iyon, pero sana man lang ay kahit ang simpleng pagbasa sa wikang Inggles ay nagagawa ng sino mang mag-aaral ng unibersidad. Hindi niya iyon maggawa.

Hindi ko alam kung paano siya nakapasok sa unibersidad. Hindi ko alam kung paanong pagsasala iyong ginawa nila sa pagkuha nga sa nasabing programa (di ko ata nabanggit na nasa programa siya ng tinawag kong maikling kurso). Hindi ko alam kung paano siya nakatatagal at makatatagal. Hanggang sa ngayon, maraming tanong sa isip ko dahil sa narinig at nakita kong pangyayari. Sana sa mga susunod na araw, maliwanagan ako.

*** 

Bilang panghuli, magpapakachummy at magpapakagasgas ako - batu-bato sa langit ang tamaan magalit na kung magagalit.

Wala sanang tamaan.

Posted by labasngkahon at 10:51 am | permalink | Add comment

Bagong Tula

July 20, 2008

Bagong tula na may pamagat na Sa Mega. Naisulat ko sa kadahilanang kailangang may maiworkshop ako para sa aplikasyon ko sa UP Ugat. ‘Eto:

Sa Mega

Ito ay pangkaraniwanpara sa iyo:
ang imahe
ng papalubog na araw
ang hudyat
ng ritwal mong pagbisita
sa Mega.

Pakunsuwelo mo itong ituring
para sa ‘yong maghapong
paggawa.

Sasaluhin ng iyong mukha,
ang aircon ng Mega
na palagiang pinasasayaw
ang maninipis mong
mga buhok.

Magpapakulong ka
sa mga kongkretong pader
ng Mega.
Iyong malilimot ang lahat
sa tingkad ng ilaw,
sa walang humpay
na mga paggalaw.

Susuyurin mo
kahit ang sulok
ng Mega.
Ang bawat stall at shop
ay iyong sisilipin
at papasukin.

Papalitan ng Wendy’s
ang iyong ina,
ng Ace Hardware
ang iyong ama.
Burado sa isip mo
ang iyong pamilya.

Walang lungkot sa Mega.
Walang hapis sa Mega.

Nanamnamin mo ito
hanggang sumapit
ang kinasusuklaman mong
sandali.

Sasalubungin ka
ng maalinsangang hangin
sa paglabas mo
sa Mega.

Mistula kang sasampalin
ng katotohanan.
Ang sakit,
ang hapdi.

Sa paglabas mo
sa Mega,
papasan muli sa iyo
ang iyong mga problemang
kasing haba ng EDSA.

Posted by labasngkahon at 4:40 pm | permalink | comments[1]

Paalam sa Ikalabing Pitong Taon

July 12, 2008

Noong isang linggo ko pa dapat naisulat ito. Isang linggo na rin namang tapos ‘yung okasyon. Pero dahil sa ilang personal na kadahilanan, hindi ko ito natipa, at ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon.

Labing pitong taon na. Ika-anim ng Hulyo noong Linggo, at labing pitong taon ka nang wala sa amin. Ang totoo, hindi ko alam kung ano ang sasabihin, dahil sa lagay ko, hindi naman talaga tayo nagkasama. Dalawang taon lang ako noon, kung tutuusin nga, wala kahit sa sulok ng mga ala-ala ko ang mga pinagsamahan nating dalawa, ‘yun ay kung meron man.

Nakakalungkot isipin ‘yun. Hindi kasi mawawala ‘yung pag-iisip na “ano kaya kung buhay ka at nakita akong lumaki?” at na “ano kaya ako ngayon? ganitong kurso at landas pa rin kaya ang tinatahak?” at iba pang “ano kaya” na mga katanungan. Sabi nga sa mga gasgas na linya, hindi na maibabalik ang nakalipas at ang lahat naman siguro ay may kadahilanan at rason.

Bata pa lang ako, sabi nila sa akin, gusto mo raw na maging doktor ako. Ikinalulungkot ko, pero hindi ko iyon natupad o matutupad. Kung buhay ka, hindi ko alam kung nalubog na ako sa mga maka-agham na pag-aaral. Siguro nagabayan mo ako para matupad iyong pangarap mo sa ‘kin. Pero di ko ‘yun nagawa mag-isa. Nakakahiya man sabihin, hindi ko natupad ‘yung mga habilin mo.

Gaya mo, gusto ko na lang magturo. Gusto kong maging propesor. Nasa linya man ako ng pagsulat at iba pang sining, naiisip ko rin ang sarili ko na nagtuturo. Gusto kong mabuhay habambuhay, kagaya mo, at sa pagtuturo ko iyon maaatim.

Nais ko lang malaman mo na hindi ka nalilimutan. At sa bawat hakbang na ginagawa ko ngayon sa buhay ko, inaalala kita. Maraming salamat sa iyo.

Heto ang lumang tula ko para sa iyo, irerepost ko lang dito:

 Opel*

Ang paggunita sa iyo,ay pagtingin
sa kalangitan ‘pag gabi.
Kahilera ng nangingbabaw
na buwan, isa kang bituwin –
minsa’y kumukurap,
kalimita’y nilalamon ng dilim.

Labing pitong taon na
buhat nang tinawag ka ng lupa.
Ang mga nakatukod
na larawan na lang,
sa ibabaw ng telebisyon ko
sa kuwarto
ang iilang iniwan mo sa akin.

Ngunit hindi sumusuot
sa isip ko ang salitang
limot.
Sapagkat sa mga ganitong
panahon, sa mga araw
na kuba ako sa bagabag,
nananangis ako sa ‘yo.

Sa mga ganitong panahon,
hiling ko’y nandito ka,
upang madama ko sana
ang init ng hanging mula
sa iyong bibig.
Na wari ko’y ikaw ay nasa aking tabi:
nais malamang nandiyan ka;
kailangang ko ng Ina,
hinahanap-hanap kita.

*Ofelia

Posted by labasngkahon at 12:08 pm | permalink | Add comment

Haiku

July 8, 2008

Muli, ehersisyo sa pagtula na ipinasa (ipapasa bukas) sa isang major. Hindi ko gusto ‘yung pamagat na naisip ko, at hindi ko rin alam kung sapat na ang pagiging kongkreto ng imahen (sa tingin ko hindi). Kung hindi ako nagkakamali, unang subok ko sa paggawa ng haiku. Heto:

Sa Bintana ng Jeep

Buhos ang ulan:

ang musmos sa lansangan,

uhaw sa limos.

Posted by labasngkahon at 6:10 pm | permalink | Add comment

Pagsasalin

June 28, 2008

Ehersisyo muli ito sa isang klase (MPs 171, Pagsulat ng Tula sa ilalim ni Prop. Reuel M. Aguila). Pagsasalin ito ng tula o akda ni Pablo Neruda na isa sa  Twenty Love Poems na may pamagat na Tonight I Can Write. Ipopost ko iyon pagtapos ng aking salin. Kung may makababasang ibang makata, o kung sino man siguro, pakiworkshop o pakibigyan ng komento sana. Bagong gawa lang ito at hindi pa talaga lubusang naeedit. Ang totoo, sa July 2 pa ang pasahan nito. Heto ang aking salin:

Makasusulat ako ng nagdadalamhating tula ngayong gabi.
 
Makasusulat, halimbawa, “Ang gabi ay pira-piraso
at ang mga bituwin, bughaw, ay giniginaw sa malayo.”
 
Ang hangin ay umiinog sa langit at umaawit.
 
Makasusulat ako ng nagdadalamhating tula ngayong gabi.
Inibig ko siya, at minsan, ako’y kaniyang inibig din.
 
Sa mga gabing tulad ngayon, akap ko siya sa aking bisig.
Paulit-ulit ang aking mga halik sa ilalim ng malawak na langit.
 
Inibig niya ako, at minsan, inibig ko rin siya.
Sinong hindi iibig sa kaniyang maririkit na mga mata?
 
Makasusulat ako ng nagdadalamhating tula ngayong gabi.
Upang isiping wala siya sa aking piling, upang isiping nawala siya sa akin.
 
Upang marinig sa malawak na gabi, mas malawak ‘pagkat wala siya.
At ang berso’y tumutulo sa aking kalooban tulad ng hamog sa parang.
 
Anong dahilan at ang pag-ibig ko’y hindi siya kayang panatilihin?
Ang gabi ay pira-piraso at siya ay wala sa aking tabi.

Ito ang lahat. Sa malayo, may isang umaawit. Sa malayo.
Ang damdamin ko’y di mapalagay dahil siya’y nawala na.
 
Ang paningin ko’y humahanap sa kaniya, waring tutungo sa kaniya.
Hinahanap siya ng aking puso, ngunit siya’y wala sa aking tabi.

Ito ang parehong gabing nagliliwanag sa parehong mga puno.
Kami, noong panahong iyon, ay di na tulad ng dati.
 
Hindi ko na siya iniibig, iyon ang totoo, ngunit labis ko siyang inibig.
Hinahanap ng aking tinig ang hangin upang dumampi sa kaniyang pandinig.
 
Sa iba. Siya’y maaari ng iba. Tulad ng nagdaan kong mga halik.
Ang kaniyang tinig. Ang nagniningning niyang katawan. Ang walang-hanggang mga mata.

Hindi ko na siya iniibig, iyon ang totoo, ngunit labis ko siyang inibig.
Maikli ang pag-ibig, mahaba ang paglimot.

Sapagkat sa mga gabing tulad ngayon, akap ko siya sa aking bisig,
ang damdamin ko’y di mapalagay dahil siya’y nawala na.

Ito marahil ang huling hapding maipadarama niya sa akin
at ito ang mga huling taludtod na maisusulat ko para sa kaniya.

 
Heto ang orihinal:

Tonight I can write the saddest lines.

Write, for example, ‘The night is shattered
and the blue stars shiver in the distance.’

The night wind revolves in the sky and sings.

Tonight I can write the saddest lines.
I loved her, and sometimes she loved me too.

Through nights like this one I held her in my arms.
I kissed her again and again under the endless sky.

She loved me, sometimes I loved her too.
How could one not have loved her great still eyes.

Tonight I can write the saddest lines.
To think that I do not have her. To feel that I have lost her.

To hear the immense night, still more immense without her.
And the verse falls to the soul like dew to the pasture.

What does it matter that my love could not keep her.
The night is shattered and she is not with me.

That is all. In the distance someone is singing. In the distance.
My soul is not satisfied that it has lost her.

My sight searches for her as though to go to her.
My heart looks for her, and she is not with me.

The same night whitening the same trees.
We, of that time, are no longer the same.

I no longer love her, that’s certain, but how I loved her.
My voice tried to find the wind to touch her hearing.

Another’s. She will be another’s. Like my kisses before.
Her voice. Her bright body. Her infinite eyes.

I no longer love her, that’s certain, but maybe I love her.
Love is so short, forgetting is so long.

Because through nights like this one I held her in my arms
and my soul is not satisfied that it has lost her.

Though this be the last pain that she makes me suffer
and these the last verses that I write for her.

Posted by labasngkahon at 3:39 pm | permalink | comments[1]

Listahan

Katulad ng mga nagdaang semestre, nagsulat ako ng mga listahan ng mga gusto ko sanang magawa at makuha. Ilan doon ay nabigo ako, pero meron din namang nagawa at nakamit ko. O basta ngayon, gusto ko pa ring gumawa ng listahan, makamit ko man o hindi, basta pipilitin ko. Heto ang listahan ko para sa ngayong semestre.

1. Mag-aral ng mabuti.  Gusto ko sanang mapatunayan (lalo na sa sarili ko) na hindi sayang ang paglipat ko ng kurso, at na may igaganda pa ang mga grado ko. Gusto ko sanang maglaan ng mas malaking panahon sa pag-aaral at hindi na magwalang bahala.

2. Magtipid. Regular na nasa listahan ko ito. Magastos talaga ako e. Pang-ilang daang beses na pagtatangka ko na ito para maging masinop.

3. Magdagdag ng timbang (o sige na nga, magpataba). Bumagsak ang timbang ko. Kasabay nito, bumagsak din ‘yung resistensya ko. Anak ng tipaklong kasi na bulutong ‘yun. Simula noong nagkasakit ako ng bulutong, hindi na bumalik ‘yung medyo umaayos na na timbang ko. Ngayon medyo nagkakagana na ulit ako kumain, sana magtuloy-tuloy pa.

3. Magsulat nang magsulat. Nagiging moody na kasi ako sa pagsulat, na alam ko namang hindi tama. Moody na naghahanap pa ako ng takdang panahon para magsulat, hindi iyong tipo na nagsusulat lang ng nagsusulat. ‘Yung huli ang gusto ko. Gusto kong mabago ang nagiging ugali kong ito, gusto ko maagapan.

4. Magbasa nang magbasa. Kailangan ito ng lahat ng mga manunulat - ang sipag sa pagbabasa. Meron naman ako nito. Kailangan ko lang ng mas marami pang materyal. Kaya kasama na rito ‘yung balak ko na sumali sa isang org ng mga manunulat. Mas makakakuha ako ng mga materyal sa ganoong paraan.

at siyempre, para magawa ko nga rin ‘yung number 4, dapat ay may:

6. Ilang nobela pa ni Murakami. Ngayong taon lang ako nagsimulang magbasa ng mga gawa ni Haruki Murakami, ngayong taon lang din naman kasi ako nagkalakas ng loob bumili. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi rin ako makapagtipid. Ang mga nobelang target ko ngayon at hindi ko makita sa mga booksale ay ang The Wind-Up Bird Chronicle at ang Kafka on the Shore. Ay, tumatanggap nga pala ako ng mga regalo!

7. Scott Pilgrim ni Bryan Lee O’ Mailley. Graphic novel ito na medyo animé-ic. Maganda ‘yung istorya at isasapelikula pa nga ito. Ang totoo, hindi pa ako nakakabasa ng buo ng isang graphic novel (masyadong mahal!). Nakahiram lang ako sa isang kaibigan ng gawa ni Neil Gaiman dati, pero hindi ko ito tinapos. Itong Scott Pilgrim sana ang una kong mabasa, dahil trip na trip ko talaga (lalo na ng ipakita ito sa Attack of the Show ng g4tv). Ang problema - hindi ko alam kung saan nakakabili nito sa atin, dito sa Pilipinas. Ang nabalitaan ko, mayroon sa Sputnik Comics sa Cubao, ang kaso, nalalayuan ako sa Cubao, lalo na kung mamamasahe ako mag-isa. Baka mayroon kayong alam na ibang mabibilhan (kahit anong bookstore sana, mas maganda kung malapit sa UP o Cavite), pakisabi naman sa akin. Magcomment kayo rito o i-email ninyo ako sa emailaddnibote@yahoo.com. Salamat.

O ayan, lilimitahan ko muna sa pito. Mahirap na kasi ‘yung masyadong marami. Sana magawa at makuha ko.

Posted by labasngkahon at 1:57 pm | permalink | Add comment

Panggagagad

June 15, 2008

Lumang ehersisyo ito sa pagsulat noong nakaraang semestre. Naghalungkat ako ng mga naipasang papel at nakita ko ito. Kahit maraming butas at pilit ang paggawa ng tula, naisip ko na ipost dito. Panggagagad o panggagaya ito kay Ka Amado V. Hernandez at sa tula niyang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan. Mahirap ito sapagkat kailangang sundin ang tradisyonal na pagtula - may sukat, tugma, caesura, at iba pa. Sa unang bahagi ipopost ko ang tula ni Ka Amado, at sa huli ang pansariling panggagad sa estilo na may pamagat na "Kapatid." Paumanhin sa babaw ng gamit.

Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan
 
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.
 
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!
 
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
 
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.
 
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo
 

Kapatid
 
Sa ‘yong matamlay na bayan, wari ika’y nanlulumo,
puso mo ay tumatangis sa kapwa mong nanunuyo
ang sikumura; nanlilimos, nabubusog sa pangako
ng sa ‘tin ay namumuno, hari-hariang palalo.
 
Mistula kang nanghihina, tila ba ikaw ay sawi,
mga pinagpawisan mo’y kaunti ang ‘yong bahagi;
iba ang nakikinabang- batas na namumutawi:
kapangyarihan ang yaman, ang mayaman ang s’yang hari.
 
Ngunit di dapat malumbay, kapatid kong minamahal,
sa gitna ng mga unos ng bayan mong napapagal;
sa lupaing nalulugmok, karikta’y nadudungisan,
huwag kang magpapatangay sa hangin ng kasawian.
 
Dahil di sapat ang lungkot, ang papatulo mong luha,
pangwaksi sa kahirapan, pananggalang sa dalita;
kailangan ay pagkilos, kaisahan sa paggawa,
upang gapos ay mawasak, tungo sa bagong paglaya!
 

Posted by labasngkahon at 8:54 pm | permalink | Add comment